Noong mga unang taon ng dekada '60 nang gawin ng writer-editor na si Stanley Lieber o mas kilala bilang Stan Lee ang comicbook super hero na si Spiderman.
Hindi tulad ng pinakasikat na si Superman, si Spiderman ay isang ordinaryong tao. Nagkakasakit at dumaranas ng ilang mga kahirapang dinaranas ng marami kauri niya.
Tulad ng iba pang mga karakter ni Lee, si Spiderman ay hindi nakatira sa isang fictional city gaya ng Gotham ni Bruce Wayne (Batman) at Metropolis ni Clark Kent (Superman).
Sa halip, ang mundo ni Spiderman ay ang New York City kung saan nasaksihan ang marami sa kanyang mga adventure.
Bukod kay Lee, si Steve Ditko ang nagbigay ng anyo at mukha kay Spiderman.
Ngunit sino nga ba si Spiderman sa likod ng asul at pulang costume?
Kung si Superman ay si Clark Kent at si Batman naman ay si Bruce Wayne, si Spiderman ay si Peter Parker, maagang naulila at lumaki sa pangangalaga ng kanyang tiyo at tiya.
May pagka-nerd si Parker noong nag-aaral pa sa high school at nakatanggap pa siya ng mga parangal sa kanyang klase sa agham.
Sa isang exhibit tungkol sa safe handling ng nuclear laboratory waste materials, aksidenteng nabagsakan at nakagat siya sa kamay ng isang irradiated na gagamba.
Sa yugtong ito nagsimula ang kanyang kakaibang kapangyarihan: ang kakayahang makasampa at dumikit sa mga pader na parang isang gagamba.
Nagkaroon din siya ng kakaibang lakas na ginamit niya para labanan ang kasamaan. Mayroon din siyang "spider sense" na nagbababala sa kanya ng panganib.
Ang mga kapangyarihang ito ay ginamit niya sa paglaban ng krimen at kasamaan. Ilan sa mga kriminal na kanyang nakasagupa na ay sina Kingpin, The Vulture, Electro, Dr. Octopus at Hobgoblin.
Noong Setyembre 1967, mula comics ay naging isang animated TV series ang Spiderman. Makalipas ang 10 taon noong 1977, lumabas naman ang live action series sa telebisyon.
Sa sine, halos 20 taon ang dumaan bago tuluyang nagkaroon ng isang pelikula tungkol sa buhay at adventures ni Spiderman.
Kung ikukumpara si Spiderman kay Superman, talagang mas maraming powers si Superman at isa lang ang weakness, ang kryptonite.
Si Spiderman, kung gaano karami ang kahinaan ng ordinaryong tao, ganoon din siya. Kung minsan dinadapuan siya ng sakit kahit na nasa gitna ng sagupaan.
Minsan nang pinaglaban ng kanilang mga creators sina Superman at Batman. Dito isang bagay ang natutunan ni Clark Kent alias Superman mula kay Spiderman.
Ayon kay Superman, nauunawaan ni Spiderman ang malaking responsibilidad na kaakibat ng kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya, bagay na natutunan din ni Kent sa kanyang sarili.
edz- 10-04-2004
bukas na ulit
edz- 10-17-2004
Labanan ng mga hayop
Sa natatanging labanan ng mga hayop, matira ang matibay, patay kung patay! Ito ang natatanging patakaran sa mga hayop na ginagawang libangan upang mapagbigyan lang ang hilig sa sugal ng tao.
Katulad na lang ng dogfighting. Bagamat ipinagbabawal, marami pa rin ang gumagawa nito.
Sa Davao, legal ang labanan ng kabayo o horsefighting tuwing may kasiyahan. Pinakapopular naman sa mga labanan ng hayop ang sabong o cockfighting.
Pero saan nga ba nagmula ang ganitong uri ng libangan na ngayon ay pinagkakakitaan na rin ng marami? Bago pa man dumating ang mga Kastila, may sabong na sa Pilipinas. Unang naitala ng historyador na si Antonio Pigafetta ang sabong sa Pilipinas nang makita niya ang mga katutubo ng "Paragua" (Palawan sa kasalukuyan) na nagsasabong.
Sa kabila nito, wala pang mga tala kung saan ito natutunan ng mga ninunong Pilipino.
Ang pinakamatandang ebidensiya ng sabong ay naitala may 3, 000 taon na ang nakalilipas. Nilalaro ito ng mga Phoenicians, Hebrews at Canaanites.
Noong panahon ni Moises sa Ehipto, naging paboritong libangan din ang sabong. Sa Gresya, ginawang inspirasyon ni Themistocles ang sabong sa kanyang mga sundalo.
Sa Roma, si Julius Caesar ang nagpakilala ng sabong samantalang sa Inglatera, si Haring Henry VII naman ang nagpasikat ng sabong noong ika-16 dantaon. Ipinagbawal naman ito ni Reyna Victoria noong ika-17 dantaon.
Sa Pransya, naging national emblem pa nila ang manok dahil sa popularidad ng sabong.
Kung tutuusin, ang sabong ay isa sa pinakamatandang sugal na hanggang ngayon ay patuloy pa ring tinatangkilik ng marami lalo ng mga Pilipino.
Ayon sa isang dalubhasa, ang pagkakahilig ng marami sa sabong at iba pang uri ng sugal ay dahil na rin sa impluwensiya ng isang pamayanan.
Bagamat aniya, patuloy na nagbabago sa paghahanap ng alternatibong libangan ang tao kaya maging ang aso ay ginawa na ring sugal.
Likas sa mga aso ang pagiging mabangis kaya noong ika-17 dantaon, sinubukang palahian ang matatapang na uri.
Sa bansang Scotland unang sinubukan ang pagpapalahi sa matatapang na aso hanggang sa lumabas ang isang lahi na tinawag nilang 'blue poll.'
Nagpalahi din ng aso ang mga Irish at nagresulta ito sa paglabas ng tinatawag na 'alunt,' siyang pinagmulan ng mga bulldog.
Samantala, nauso naman noong 1835 ang isang klase ng sugal kung saan inilalagay sa isang pit ang mga daga upang ipapatay sa mga bulldog. Dito unang lumitaw ang terminong 'pitbull.'
Ngunit sa modernong panahon ngayon, hindi na daga ang ipinapapatay sa pitbull kundi kapwa niya aso.
Sa kabila ng pagbabawal sa pitbull fighting ng maraming bansa, marami pa ring ang patago at ilegal na nagsasagawa ng ganitong sugal.
Maging ang mga kabayo ay hindi na rin ligtas sa madugong paligsahan ng tapang. Sa Davao, ang labanan ng kabayo ay matagal nang isinasagawa ng mga katutubo bilang libangan.
Ngayon, pinagpupustahan na rin ang horsefighting.
Sa katotohanan, hindi na maaalis sa mga Pilipino ang pagkahilig sa iba't ibang uri ng libangan na kadalasan ay nauuwi sa sugal. Sa kabila ng pagbabawal sa mga 'blood sports' o pagsasagupa ng hayop sa kanyang kapwa, hindi napipigilan ang mga nagsasagawa nito.
Sa ganitong klase ng pustahan, walang ibang talunan kundi ang mga hayop na naging instrumento ng kalupitan.
Wika nga ng maalamat na si Mahatma Gandhi, "masusukat mo ang pag-unlad ng isang bansa kung paano tinatrato ng mamamayan nito ang alaga nilang hayop."
edz- 10-18-2004
Janitor fish
Patuloy na dumarami ang isdang "janitor fish," kilala rin sa scientific name na Hypostomus plecostomus, sa Ilog Marikina at Laguna de Bay. Karaniwang inaalagaan sa mga aquarium ang isdang ito. Ngunit papaano sila napunta sa mga ilog at lawa?
Ayon sa mga awtoridad, mayroong mga nag-aalaga ng janitor fish na nagtatapon nito sa mga ilog at lawa. Hindi alam ng mga awtoridad sa Marikina kung sino ang nagtapon ng mga janitor fish sa ilog nito. Pero ayon sa mga mangingisda, malaki ang perhuwisyo ng mga ito sa ilog. Kung noon, maraming isda ang nahuhuli sa ilog, kaunti na lang ngayon.
Mabilis ang paglaki at pagdami ng janitor fish kaya nakarating na ang mga ito sa Laguna de Bay. Malaking pinsala ang naidudulot nito sa lawa. Tuwing sasapit ang buwan ng Marso hanggang Mayo, nagiging salot ang janitor fish sa mga baklad ng isda.
Naalarma na ang Laguna [de Bay] Development Authority dahil sa pagdami ng mga isdang ito at sa reklamong tinatanggap ng ahensya mula sa mga mangingisda. Sinimulan na ang pag-aaral ng ahensya upang makontrol ang pagdami ng janitor fish.
Mayroong katangiang teritoryal ang janitor fish. Karaniwan silang makikita na magkakasama sa iisang lugar. Ngunit sa bilis ng kanilang pagdami, makikita na sila kahit saang bahagi ng Ilog Marikina.
Samantala, kung mabilis silang dumami sa Ilog Marikina, mahirap silang mahagilap sa lawa. Bukod sa maluwang ang kanilang ginagalawan, malimit silang nasa ilalim ng Laguna de Bay. Ang resulta: sa halip na mga isdang nabebenta ang nahuhuli sa lawa, mga janitor fish ang malimit nakikita sa mga baklad.
Ang janitor fish ay kabilang sa 34 na uri ng catfish o hito. Ngunit sila ang mayroong pinakamalaking bilang ng tipo na mahigit sa 600.
Ang janitor fish na nakikita sa Ilog Marikina at Laguna de Bay ay kabilang sa Plecostomus catfish. Mayroon silang karakteristikong mataas ang caudal fin o palikpik sa likod. Ito ang madaling nakakasira ng mga lambat sa baklad. Mayroon ding matulis na tinik o spine ang mga dorsal fin ng janitor fish na ito. Makapal at matalas din ang kanilang kaliskis o ang tinatawag na armor-like bony plates.
Lumalaki sila ng hanggang dalawang talampakan at umaabot ng dalawa hanggang tatlong kilo ang timbang.
Sinasabing algae lang ang kinakain ng isdang ito ngunit nabatid din sa mga pag-aaral na kumakain sila ng mga brine shrimp, bloodworms at maging mga semilya ng isda.
Naniniwala ang mga awtoridad na ito ang dahilan kung bakit kakaunti ang nahuhuling mga isda sa Laguna de Bay. Sinubukan ng mga residente sa paligid ng lawa na ilulot ang nahuhuli nilang janitor fish. Hindi nila ito nakain. Bukod sa matigas na balat, tanging ang buntot lang nito ang mayroong laman.
Umaabot sa libo ang mga itlog na nailuluwal nito buwan-buwan. Kapag hindi napigilan, maaaring mapuno ng janitor fish ang Laguna de Bay sa loob ng pito hanggang 10 taon.
edz- 10-18-2004
Health Tips ni Ka Ernie:
Sambong, banaba, tsaang gubat
Ang sambong ay may anti-diarrhetic at anti-gastralgic properties. Bukod dito, may mataas na antas ng essential oil at mayroong camphor oil ang sambong. Mainam ang sambong sa disentriya, beri-beri, lumbago at di-regular na pag-ihi. Mabuti rin ang ugat ng sambong para sa mga mayroong ubo at sipon. Ang pinaglagaan ng dahon ng sambong ay nakakaalis ng sakit ng tiyan at ulo.
Mayroong triterpenoid compound o mas kilala sa corosolic acid ang dahon ng banaba. Tumutulong ito upang pasiglahin ang glucose na dumadaloy sa mga cell ng katawan. Malaki ang naitutulong ng banaba sa mga maysakit na diabetes dahil inaayos nito ang antas ng blood sugar at insulin sa dugo.
Samantala, inihahalo ang pinaglagaan ng tsaang gubat sa pampaligo ng mga ina na bagong panganak para pampabango ng tubig. Mainam din ang pag-inom ng pinaglagaan nito bilang lunas sa sakit ng tiyan, pagtatae at ubo.
Madam Claudja- 10-19-2004
Alam nyo ba na ang Lacto Vital at Yakult ay Parehong Good Bacteria ang laman na maigi sa tiyan. Ang kaigihan nga lamang ng Yakult, sukat na sukat ito di gaya ng Lacto Vital na tatanchahin ang dami na baka sumobra
KAPE- 10-19-2004
Not Limasawa
Filipino historians now agree that Limasawa Island, in Leyte del Sur, does not deserve the honor of being the site of the first Mass in the Philippines. The actual site was Masao in Butuan Bay, Agusan del Norte, where the national shrine commemorating the event has already been transferred. The long-running error has been traced to an English translation of Antonio Pigafetta's chronicle of the Magellan expedition, where the prefix "li-" was attached to Mazzaua, Masao's original name.
Madam Claudja- 10-20-2004
ALAM NYO BA NA ANG PAGSANJAN FALLS AY WALA SA PAGSANJAN?
ITO AY NASA ISANG BARRIO NG CAVINTI LAGUNA, SA BARRIO MAGDAPIO
KAYA MAGDAPIO FALLS ANG TAWAG DITO NG MGA NATIVES NA TAGA LAGUNA
KUNG PANO NAGING PAGSANJAN FALLS
DI KO ALAM, DAHIL PARANG MALI TALAGA!
edz- 10-20-2004
Milagrosang bukal natagpuan daw sa Batanes
Fountain of Youth
Tatlong kilometro mula sa poblacion ng Mahatao, Barangay Ricuaydi sa Batanes, matatagpuan ang sinasabing spring of youth.
Maraming taon na ang nakalilipas nang kumalat ang kwento tungkol sa milagrong hatid ng bukal. Pinaniniwalaan ng mga matatandang Ivatan na nakapagpapagaling ng sakit ang tubig nito.
Ayon sa mga residente, nagiging bata rin ang pakiramdam ng sinumang uminom at naligo dito.
Nag-umpisa ang kwento ng milagrosong bukal dahil sa paghahanap ng isang ina ng lunas para sa kanyang may sakit na anak.
Ayon sa kwento, napadpad ang di-pinangalanang ina sa Ricuaydi kung saan natagpuan nila ang sinasabing milagrosong bukal ng tubig.
'Di sinasadyang uminom sila sa bukal ng Ricuaydi at himalang gumaling at lumakas ang anak. Simula noon maraming residente ng Mahatao ang naniniwala sa bisa ng bukal.
Dinadala nila ang mga may karamdaman at may mga sugat upang madaling gumaling. Ngunit isang mangkukulam, ayon sa kuwento, ang naiinggit sa bukal ng buhay.
Isinumpa niya ito at inalayan ng pusang itim upang mawala ang bisa ng bukal.
Dahil dito, hanggang ngayon ay hindi pa nawawala ang sumpa ng mangkukulam bagamat marami pa ring residente ang patuloy na naniniwala sa hiwaga ng bukal.
May ilang residente na rin ang nagpatunay na may bisa pa ang tubig. Isa si Eduardo Balasbas sa napagaling ng tubig sa bukal.
Samantala, hindi ang bukal sa Ricuaydi ang unang insidente ng pagkakakita sa umano'y fountain of youth.
Noong 1493 isang manlalakbay na Kastila, si Juan Ponce de Leon, ang naghanap sa fountain of youth. Kasama si de Leon sa mga galleon ni Christopher Columbus na naglakbay patungong kontinente ng Amerika.
Unang nabalitaan ni de Leon ang tungkol sa fountain of youth mula sa mga katutubo ng Amerika.
Kasunod nito naging gobernador si de Leon ng isla ng Borinquen na ngayon ay Puerto Rico. Ito ang naging pagkakataon ni de Leon upang makapunta sa isla ng Bimini sa Bahamas.
Dito niya hinanap ang sinasabing hardin ng Hesperides kung saan matatagpuan ang fountain of youth.
Pinaniniwalaan noon na ang bukal na tubig sa hardin ng Hesperides ang makapagpapanatili sa ganda ng sinuman.
edz- 10-20-2004
Impyerno
Sa buhay ng tao sa mundo, lagi't laging lumilitaw ang tanong na ito: "Saan nga ba tayo pupunta kapag natapos na ang oras natin dito sa lupa?"
Para sa marami, hindi pa katapusan ang pagpanaw dahil oras na mangyari ito, mayroon pang kalalagyan ang kalulwa sa kabilang buhay.
Depende sa mga paniwala, mayroong nais mapunta sa langit kung naging mabait at mabuting tao noong nabubuhay pa, o di kaya ay sa impyerno, lugar ng walang hanggang kaparusahan para sa mga naging suwail sa Dios.
Batay sa mga pag-aaral, halaw ang law ang salitang impiyerno sa wikang Hebreo na "sheol" at Griyego naman na "hades," kapwa mga salitang nangangahulugan ng libingan.
Sa Greek mythology, ang salitang hades ay pangalan din ng god of the underworld.
Sa kasaysayan, ang Italian poet na si Dante Alighieri ang nagbigay ng popular na itsura ng impyerno sa kanyang akdang The Divine Comedy noong 1321.
Dito, inilarawan niya ang iba't ibang antas ng impyerno kung saan pinahihirapan ang mga makasalanan sa sari-saring paraan.
Bagamat ang akda ay may basehan sa doktrina ng simbahan, kathang-isip lang din lang na puno rin ng mga elemento ng klasikal na alamat. Tulad na lang din ng sa kaso ni Charon, bangkero ng impyerno na bahagi naman ng Roman mythology.
Isa pang salita sa Biblia na nasa Bagong Tipan at isinalin bilang impiyerno ay ang "gehenna."
Ito ang libis ng bayan ng Hinnom sa labas ng Jerusalem kung saan tinatambak at sinusunog ang mga basura ng siyudad.
Noon, ginamit ito bilang simbolo ng walang hanggang kamatayan sa pamamagitan ng di-naaapulang apoy.
Maliban sa mga Kristiyano, ang mga Moro, Buddhist at Hindu ay naniniwala rin sa isang lugar tulad ng impyerno.
edz- 10-20-2004
Guano
Sa mga lugar na malayo sa siyudad, pagsasaka ang pangunahing pinagmumulan ng ikabubuhay. Bagamat marami na ring sumusubok ng iba't ibang kemikal upang masiguro ang magandang tubo ng palay, mayroon pa rin namang gumagamit ng mga patabang nagmumula sa kalikasan.
Tulad na lang ng mga magsasaka sa Barangay Silop, Lungsod Surigao.
Dito matatagpuan ang Silop Cave na pinaninirahan ng libo-libong paniki.
Matarik na daan at matatalas na bato ang kailangang daanan upang marating ang kwebang ito pero sa kabila nito ay patuloy pa ring dinarayo ng mga tagarito ang kweba di lamang upang masilayan ang natatanging ganda nito kundi dahil dito sila kumukuha ng guano fertilizer na nagmumula sa dumi ng paniki.
Dahil wala pang nagsasagawa ng pag-aaral tungkol sa kwebang ito, ipinakita ng Knowledge Power sa mga dalubhasa sa National Museum ang video na nakunan sa loob ng kweba upang malaman kung anong uri ng paniki ang naninirahan dito.
Ayon kay Maria Josefa Veluz, isang mammalogist, karamihan sa mga paniking naninirahan dito ay mula sa pamilya ng vespertilionidae o mas kilala bilang "evening bat."
Hinggil sa mga mineral, nitrogen, phosphorus, at potassium ang mga pangunahing nutrients na makukuha sa guano.
Higit na mabuti ang paggamit ng organic fertilizer tulad ng guano kaysa chemical fertilizer dahil pinapatay nito ang mga beneficial microbes na nakapagpapalusog ng lupa.
Ngunit sa kabila ng malaking tulong na naibibigay ng guano sa mga pananim, dapat pa ring magkaroon ng limitasyon ang paggamit nito.
Dapat na ring itigil ng ilang residente ang nakakagawiang pagkain ng mga paniki dahil hindi malayong mauwi sa pagkaubos ang mga ito at ang kanilang kinakailangang guano.
edz- 10-20-2004
Lindol
Marami ang nag-panic sa nangyaring lindol sa Mindanao noong Marso 6, 2001. Lumikas ang mga residenteng malapit sa baybaying dagat dahil sa pangambang magkaroon ng tsunami o tidal wave dahil batid ng mga residente dito kung gaano kalupit ang pinsalang idudulot ng tsunami.
Noong Agosto 17,1976, umabot ng 4,791 katao ang namatay sa lindol na nangyari sa Mindanao. Ito ay may 7.9 magnitude sa Richter scale at higit na malakas kaysa 6.8 magnitude noong Marso 6.
Ang 1976 earthquake ay itinuturing na isa sa pinakagrabeng sakuna sa Pilipinas at karamihan sa mga namatay ay dulot ng tidal wave.
Ayon kay Director Raymundo Punongbayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, muling gumalaw ang Cotabato Trench kaya nagkaroon ng paglindol.
Aniya, ito rin ang gumalaw noong 1976 na nagdulot ng malaking tidal wave.
Ang Pilipinas ay naiipit sa dalawang naglalakihang plates. Ito ay ang Pacific Plate at Eurasian Plate.
Ang isla ng Palawan ay bahagi ng Eurasian plate na matagal na ring hindi gumagalaw. Ang Philippine plate kung saan makikita ang Philippine Trench ay may habang 1,300 kilometro mula Mindanao hanggang Hilagang Luzon. Ito ay nasa silangang bahagi ng bansa sa Dagat Pasipiko.
Ang pagbabangaan ng mga plate ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng malalakas na paglindol.
May tatlong klase ng paggalaw ng mga plate: ang extensional o paglayo ng dalawang fault; compressional o pagbabanggaan ng dalawang plate; at ang transform o pagkikiskisan ng mga plate.
Compressional ang nangyaring lindol noong Marso 6.
Ayon pa sa Phivolcs, walang dapat ipangamba na may sasabog na bulkan sa Mindanao 'di tulad nang sumabog ang bulkang Pintubo isang taon matapos ang 1990 earthquake.
Ngunit nagbabala ang Phivolcs na posibleng magkaroon ng malalakas na paglindol sa mga lugar na matagal nang hindi gumagalaw ang Philippine plate.
Ipinaliwanag ni Punongbayan na ang paglindol ay bahagi ng isang proseso kung saan ang mga kontinente ay naghiwahiwalay.
Araw-araw ay patuloy sa paggalaw ang continental at oceanic plates ngunit walang katiyakan kung saan mangyayari ang susunod na paglindol.
edz- 10-20-2004
Alam n'yo ba?
Ang mga Sumerian sa Mesopotamia (kasalukuyang Iraq) ang pinakaunang nagsulat ng mga simbolo 5,300 taon na ang nakalilipas.
Dahil wala pang computer printer noon, inilagay nila ito sa mga clay tablet.
Noong 3,000 B.C., naimbento naman ng mga Egyptian ang "hieroglyps." Sa mga pader at poste naman nila isinusulat ang kanilang kasaysayan.
Ginamit din nila ang mga kweba, dahon at kawayan bilang pinakaunang paraan ng printing.
Di tulad ngayon na madali nang mai-print ang mga isinusulat sa pamamagitan ng modernong printer.
edz- 10-20-2004
Health tips ni Ka Ernie:
Sakit ng tiyan
Tradisyon na sa pamilyang Pilipino ang paghahanda ng masasarap na pagkain lalo na kapag may mga okasyon. Karaniwang laman ng mesa ay mga lutong karne na mahirap tunawin.
Kaya kung naparami ang pagkain nito, natural lang na dumanas ng "indigestion." Ito ang nagiging dahilan ng pangangasim ng sikmura, kabag, at pananakit ng tiyan.
Ang sagot dito ay ang healing diet ni Ernie Baron na makapagbibigay-lunas sa ganitong kalagayan.
Ang pagkain ng papaya ay nagpapalambot sa mga kinaing karne dahil ito ay nagtataglay ng "digestive enzyme" na "papain." Ang papain ay mabisang meat tenderizer.
Ang pipino o cucumber naman ay may enzyme na "erepsin." Ito ay may kakayahang tumunaw ng karne tulad din ng papain ng papaya.
Nagtataglay naman ang pinya ng "bromelain" enzyme na mabisa rin sa pagtunaw ng karne.
Natuklasan naman ng mga siyentipikong Hapones na ang luya o ginger ay nagtataglay ng "protease" enzyme na nagpapalambot sa karne.
Mainam na isahog ang ginayat na luya sa mga nilulutong karne bilang meat tenderizer.
Para naman sa mga may constipation, makabubuting magkakain ng sariwang prutas at gulay dahil mayaman ito sa fiber.
Ang fiber sa pagkain ay nagpapasigla ng "peristaltic movement" ng bituka para mabilis ang paglabas ng dumi sa katawan.
Samantala, sinasabing ang katas ng repolyong hilaw nagtataglay ng Vitamin U na mainam na gamot sa ulcer.
Kung ang pagsakit naman ng tiyan ay bunga ng mikrobyo o impeksyon, makabubuting uminom ng isang kutsarang "garlic with honey" matapos kumain ng almusal, tanghalian, at hapunan bilang natural antibiotic.
Madam Claudja- 10-20-2004
ALAM NYO BA NA MADAMI SA HEALTH PRODUCTS NA INA-ADVERTISE SA TV NGAYON AY PAWANG MGA KOMERSIYALISMO LAMANG?
MADAMING MGA HEALTH PRODUCTS ANG NAG-CLAIM NA EFFECTIVE ANG PRODUKTO NILA AT DAHIL SA EXAGGERATED NILANG ADS, NAKAKAKUHA SILA NG MADAMING CUSTOMERS BAGAMAT ANG KATOTOHANAN AY DI NAMAN TALAGA NAKAKAGALING ANG IBA SA MGA ITO.
BETTER SEE A DOCTOR!
Forumer™ is Voted #1 Free Forum Hosting provider
Build your own community today with the largest message board hosting company.