Full Version : Alam Nyo Ba?
tambayan >>Education >>Alam Nyo Ba?


<< Prev | Next >>

edz- 10-21-2004
Time travel

Wika nga, ang oras ay ginto kaya 'di ito dapat aksayahin. Pero paano kung pwedeng balikan ang nakaraan at itama ang anumang mga pagkakamali o magtungo sa hinaharap para tanawin ang bukas?

Matagal nang laman ng imahinasyon ng tao ang time travel sa mga libro at maging sa pelikula. Ngunit sa mga makabagong teorya at kaisipan sa agham, ang posibilidad na makapaglakbay sa iba't ibang panahon ay hindi na minamaliit at binabalewala.

Sa ngayon, hindi lang napupuna, nagagawa na ring mag-time travel tuwing nagpupunta sa isang lugar lalo na kung sakay ng isang mabilis na behikulo tulad ng eroplano.

Ito ay dahil ang konsepto ng space at time, ayon sa mga physicist, ay hindi mapaghihiwalay.

Kung ang isang tao ay kumikilos o bumibiyahe lulan ng napakabilis na sasakyan tulad halimbawa ng Concorde jet na na mas mabilis pa sa speed of sound na 331 meters per second, higit na mabagal ang takbo ng oras doon.

Gayunman sa ngayon, napakaliit lamang ng pagkakaibang naitatala sa oras -- pinakamaliit na fraction ng segundo lang -- kaya kaya hindi ito nagiging kapuna-puna.

Ang kailangan, matanggal ang pinakamalaking hadlang sa pinapangarap na time travel. Ito ang speed of light na 299,792,458 meters per second.

Sa kasaysayan ng siyensiya, ang bantog na physicist na si Albert Einstein ang nagbukas sa pinto sa posibilidad ng time travel.

Kung ang takbo ng isang tao ay malapit na sa speed of light, maaari nang makapunta sa hinaharap at kung malampasan pa ito, pwede namang balikan ang nakaraan. Kapag nangyari ito, pwede nang itama ang mga pagkakamali noon.

Ngunit para magawa ito, kailangan ng isang napakabilis na sasakyan dahil ang mga modernong space shuttle ay hindi pa sapat ang bilis.

Bago din maabot ang speed of light, madudurog ang taong makakagawa nito dahil hindi makakayanan ang bigat na madadagdag sa katawan habang bumibilis ang paglalakbay.

Ayon naman sa theoretical physics, may mga natural na gateways sa sansinukob na maaaring lagusan patungo sa ibang panahon at maging sa ibang universe -- mga tinatawag na wormhole.

Sa paliwanag ng mga dalubhasa, sa mga multi-universe na ito napupunta ang sinomang nakabalik sa nakaraan at nagawang baguhin at pakialaman iyon.

Dito rin ay may multiple existence ang bawat isa tulad ng isinalarawan sa pelikulang The One ni Jet Li.

Ang katotohanan sa kabila ng lahat ng ito, malayo pa ang landas na tatahakin bago tuluyang maging realidad ang time travel. Ito pa lang ang mapanghahawakan ng tao sa ngayon.


edz- 10-21-2004
Lucio San Pedro at Levi Celerio

Ang "Sa Ugoy ng Duyan" ang awitin na hanggang sa ngayon ay pumupukaw pa rin sa damdamin ng mga Pilipino. Ito ang awiting pinagtambalang likhain ng dalawang tanyag na musikero ng bayan, sina Levi Celerio at Lucio San Pedro.

Sila ang dalawang kaluluwang pinagtagpo sa gitna ng dagat upang gumuhit ng kasaysayan sa musika.

Ani San Pedro noong nabubuhay pa ito, "Galing ako noon ng New York, mga 1943, at pabalik ako ng Maynila nang nalikha ko ang musika pero kailangan ko ng titik."

Bahagyang nagkaroon ito ng problema ngunit napawi din dahil, "Sa barko ko nakilala si Levi na siyang gumawa ng titik, nasa Dagat Pasipiko kami noon."

Kapwa umani ng karangalan sa Pilipinas at ibang bansa, nakilala si Celerio bilang natatanging personalidad na nakakalikha ng musika sa pamamagitan ng dahon.

Lumikha rin siya ng mahigit sa 4,000 awiting Pilipino tulad ng "Kapantay ay Langit," "Pasko ay Sumapit," "Gaano Ko Ikaw Kamahal" at "Saan Ka Man Naroroon."

Si San Pedro naman ay pinarangalan bilang isang creative nationalist na nakilala sa mga awiting "Sa Mahal Kong Bayan" at "Lahing Kayumanggi."

Mula nang unang magkrus ang kanilang landas, naging sunud-sunod na rin ang kanilang pinagsamahan.

Kung palabiro at masayahin si Celerio, seryoso naman si San Pedro. Subok na rin ang pagkakaibigan ng dalawa.

Ayon sa pamangkin ni San Pedro, noong nabubuhay pa ang dalawa, madalas magbiruan ang mga ito na kung sino ang mauna sa kanila sa kabilang buhay, susunod ang pangalawa.

Ito nga ang nagkatotoo nang pumanaw noong Marso 31, 2002 si San Pedro. Makaraan ang dalawang araw, sinundan siya ni Celerio.


edz- 10-21-2004
Crop Circles at Nazca Lines

Ano nga ba ang hiwagang nakatago sa hugis-bilog? Kung triangle o tatsulok ang hugis ng Great Pyramid of Egypt, 'di hamak na mas maraming ancient monuments na hugis bilog.

Pinakapopular sa lahat ang Stonehenge sa Salisbury Plain, 78 kilometro ang layo mula sa London, Inglatera.

Hanggang ngayon ay wala pa ring kongkretong sagot kung sino ang nagtayo nito at kung para saan.

May mga nagsasabing isa itong obserbatoryo upang pag-aralan ang araw, buwan at mga bituin. May naniniwala namang isa itong templo upang sambahin ang araw.

Tinatayang itinayo ito sa pagitan ng 3100 hanggang 1100 B.C. ngunit kung paano at sino ang gumawa nito ay hindi pa rin matukoy.

Sa Bighorn Mountain, Wyoming, sa Estados Unidos, may nakitang mga tumpok ng bato na ikinorte ng pabilog.

Tulad ng Stonehenge, sinasabing isa itong astronomical observatory.

Ngunit ang higit na ipinagtataka ng lahat ay ang kakaibang mga hugis bilog na nakikita sa mga bukirin na tinaguriang crop circles.

Karaniwan itong nakikita sa taniman ng mais at trigo. Laganap ito sa halos lahat ng kontinente ng mundo maliban sa China at Africa.

Taong 1647 nang unang naitala ang crop circle phenomenon. Marami ang nag-aral tungkol dito kabilang na sina Arthur Shuttlewood at Bryce Bond.

Noong 1972, matiyaga nilang minatiyagan ang isang bukid sa pag-aakalang makakakita sila ng alien. Ngunit laking gulat nila nang unti-unting nagbuwalan ang tanim sa bukid.

May puting liwanag na nakita sila sa gitna at sa loob lang ng 20 segundo, nabuo ang crop circle.

Nagsagawa na rin ng pag-aaral kung may kinalaman dito ang magnetic energy lines ng Earth dahil nakaranas ng pagkahilo at pananakit ng katawan ang mga taong lumapit sa crop circles.

Nagtaka din sila nang hindi gumana ang kanilang mga electronic equipment. Apektado rin ang radio signal at radar ng eroplano nang tumapat ito sa crop circle.

Para naman kay John Lundberg, kilalang circle maker, malaking kalokohan ang sinasabing misteryo nito. Marami siyang nagawang crop circles bilang patunay umano na ito ay isang form of art.

Sinubukan din ng Knowledge Power na gumawa ng sariling bersiyon ng crop circle at sa pamamagitan ng isang 10 metrong kahoy, mabilis na nakagawa nito.

Napatunayan ding madaling gumawa ng crop circle at pwede itong palsipikahin.

Pero paanong ipapaliwanag ang pagkakaroon ng tila magneto sa lugar na itinuturing na totoong crop circle? Isa pa, mataas din ang radiation level sa ibang naitalang crop cirle.

Kung gayon, sino ang gumawa nito?

May mga nagsasabing ito ay landing site ng sasakyang ginagamit ng mga alien. Bumababa daw dito ang unidentified flying object o UFO upang kumuha ng pagkain bagamat ito ay pawang haka-haka lang at wala pang nakakakita sa paglapag ng mga sasakyang ito sa bukirin.

Ayon pa sa paniniwala, ang mga alien ding ito ang gumawa ng mga drawing o Nazca lines na makikita sa Peru.

Patunay daw dito, anila, ang pag-iiwan ng drawing na korteng tao.

Kung ang mga ito ay gawa ng alien, ano ang kanilang mensahe? Kung ito naman ay gawa ng tao, paano nila ito nagawa gayong wala pa namang modernong kagamitan noon upang makalikha nito?

Walang nakakaalam kung hanggang kailan mananatiling misteryo ang tungkol sa Stonehenge, Nazca lines at crop circles. Sa ngayon, kailangan ang matibay na ebidensiya upang mabunyag ang lihim ng mga ito.·


edz- 10-21-2004
Health Tips ni Ka Ernie:

Soro-soro

Ang soro-soro ay halamang gamot na paborito ng tribong Aztec ng Mexico. Dinala ito sa Pilipinas ng mga Kastila.

Pinaniniwalaan ding mabisang gamot ito ng maalamat na si Zorro ng Mexico.

Ang soro-soro ay isang halamang mukhang cactus at makapal at madagta ang mga dahon.

Ang tumutulong dagta nito ay parang gatas kaya posibleng dito nagmula ang katawagang milk hedge sa Ingles.

Euphorbia neriifolia ang scientific name nito at may matinik na katawan at kadalasang makikita sa mga rock garden bilang ornamental plant.

Ang mala-gatas na katas nito ay naigagamot sa ubo, hika, at whooping cough. Ang 10 gramo ng dahon at katas nito ay inihahalo sa isang litrong tubig at iniinom, dalawa hanggang tatlong puswelo sa maghapon.

Ito rin ay mabisang pamurga at pampalabas ng plema.

Ang katas ng soro-soro ay naipapatak upang lunasan ang pananakit ng loob ng tainga. Naipapahid din ang katas nito at naitatapal ang dinikdik na dahon para sa kulugo, kalyo, cyst o bukol para madaling mahinog gayundin sa pigsa.

Ang katas din nito ay iginagamot ng mga Mexicano laban sa tuklaw ng ahas.

edz- 11-06-2004
tambayan/coffee-drinker.gif

edz- 11-22-2004
Pera

Sa kalakaran ng panahon ngayon, sinasabing pera o salapi ang nagpapaikot sa mundo. Kapag ekonomiya at kalakalan na ang pinag-uusapan, hindi maaaring ihiwalay ang usapin ng pananalapi.
Ngunit noong unang panahon, barter trade ang uso, tipong palitan ng kalakal ang ginagawa ng mga tao at hindi kailangan ng pera.
Ito ang sistema ng mga mamamayan sa mahabang panahon hanggang sa magkaroon sila ng problema.
Paano nga naman makakabili ng sapatos ang isang mangingisda kung ayaw naman ng sapatero ng tinda niyang isda?
Kaya ang naging solusyon ay pera, isang bagay na tatanggaping kabayaran sa pangangalakal.
Noong una, gumagamit ang mga mangangalakal ng kabibe, beads, baka at maging tabako bago naimbento ang metal at papel na pera.
Sa ika-21 silgo na laganap na ang credit card o tinatawag na plastic money, mahalaga pa rin ang totoong pera sa kabuuan.
Ang mahalaga, totoo ang perang hawak ng isang tao at hindi peke o counterfeit money.
Sa ngayon, madalas na palsipikahin ang dolyar ng Estados Unidos dahil kahit sa Pilipinas, may namemeke nito.
Ngunit maging ang sariling pera ng Pilipinas ay pinapalsipika na rin -- ng mga Pilipino.
Ang madalas na pekein ay iyong mga may matataas na halaga tulad ng P500 perang papel at P1,000.
Sa bansa, ang Cash Department ng Bangko Sentral ang siyang pangunahing tanggapan ng pamahalaan na nagbibigay edukasyon sa publiko para masugpo ang pagkalat ng mga pekeng pera.
Sa panahon ngayong laganap ang makabagong computer, photocopier at printing machine, madali na ang paggawa ng mga pekeng salapi.
Kahit sino, basta may alam sa pag-iimprenta, pwedeng makagawa ng pekeng pera.
Pero ayon sa Bangko Sentral, hinding-hindi rin mapeperpekto ng mga counterfeiter ang tunay na pera.
Isang dahilan dito ay ang epekto ng flourescent ink ng pera kapag itinapat ito sa ultraviolet light. Maliban dito, dinagdagan pa ng Bangko Sentral ang security features lalo na ng mga bagong serye ng P100, P500 at P1,000.
Isa na rito ay ang "windowed colourshift with clear text security thread" na nag-iiba-iba ang kulay mula magenta sa green o green sa magenta, depende kung saang anggulo tinitingnan ang pera.
Bukod pa dito ang iridescent band na kinaiimprentahan ng halaga ng pera at kung titingnan ang mga guhit sa background at lacework designs sa ilalim ng isang magnifying lens, mapupunang hindi ito basta ordinaryong linya kundi may crisscrossing patterns pa.
Higit sa lahat, pinaka-sekreto sa paggawa ng pera ng Bangko Sentral ay ang papel na ginagamit nila ngunit kung anong komposisyon nito, tanging sila lang ang nakakaalam.

edz- 11-22-2004
Sirena

Bihira ang 'di nakakakilala kina "Ariel" at "Dyesebel," mga sirenang nabasa sa komiks at napanood sa pelikula. Ayon sa kuwento, taglay nila ang anyo ng tao mula baywang hanggang ulo. Mula naman baywang paibaba, hitsura nila ay sa isda at maaaring mamalagi sa lupa ng hanggang 12 oras lang.

Batay sa mga pag-aaral, ang alamat ng sirena ay nagmula pa sa sinauang mitolohiya ng Babylonia, Gresya at Roma kung kailan sila ay tinaguriang mga diosa ng karagatan.

Nagsulputan din ang iba't ibang salaysay sa pagpapakita ng sirena sa mortal na tao. Ito ang pinatunayan ng ilan sa mga sinasabing nakasaksi sa mga sirena.
Sa pag-usbong ng Kristiyanismo, nag-iba ang imahe ng mga sirena. Tingin sa kanila ngayon ng tao ay banidosa at simbolo ng kasalanan.
Sa halip na sila ay katakutan, nagkaroon pa ng interes ang buong mundo sa kanila.
Dito nabigyan ng Danish poet na si Hans Christian Andersen ang imahe ng mga sirena nang isinulat niya ang <i>The Little Mermaid</i> noong 1836.
Kuwento ito ng batang sirena na si Ariel na umibig sa isang taga-lupa at sa kagustuhang magkaroon ng tunay na binti, isinanla niya ang kanyang magandang tinig kay Ursula, isang nilalang na may mahika-blangka.
Ganito rin ang salaysay ni <i>Dyesebel</i>, isang ganap na dalagang sirena.
Nagsimulang ilabas sa komiks si Dyesebel na isinulat ni Mars Ravelo ilang dekada na ang nakakalipas. Naisapelikula na din ito at nagkaroon ng maraming bersyon.
Para naman sa mga experto, ang konsepto ng sirena ay bunga lang ng pasalin-saling kuwento ng mga matatanda. Maging ang kanilang mga nakuhang dokumento sa pagpapakita ng mga sirena ay 'di pa rin matibay na ebidensiya para paniwalaan.
Ayon sa mga mananaliksik ng National Historical Institute (NHI), lahat ng mga sinasabing insidente ng pagkakakita sa sirena ay nangyari lang sa mga pamayanang malapit sa tubig.
Sa ngayon naniniwala ang NHI na pawang dugong lang ang nakita ng mga tao dahil halos kapareho nito ang katawan ng sinasabing sirena.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang ginagawang pag-aaral kung totoo nga kayang may sirena. Ngunit sa pagdaan ng panahon, hindi pa rin nawawala sa isip ng marami, hindi lang mga bata, ang nakagisnang paniniwala tungkol sa diosa ng karagatan.

edz- 11-22-2004
Planetary Alignment

Noong 2002, nagkaroon ng kakaibang planetary alignment na nagsimula noong Abril 19 at tatagal hanggang Mayo 5.

Ibig sabihin, ang mga planetang hindi dati nakikita ng ordinaryong mata ay magiging maliwanag na kahit walang teleskopyo.

Sa buong panahong ito, hihilera sa langit ang mga planetang Mercury, Venus, Mars, Jupiter at Saturn na tila magkakasunod na mga bituin.
Ayon naman sa mga astronomer, hindi dapat katakutan ang ganitong pangyayari.
Naitala na ang ganitong phenomenon noong 1186, 1524, 1583, 1919 at 1962. Ilan lang ito sa mga taong naitala na nagkaroon ng planetary alignment pero hindi ng malalaking kalamidad o kamalasan sa mundo.
Sa kabila nito, mayroon pa ring nag-uugnay dito sa masamang pangyayari.
Ang paghilera ng mga planeta ay hindi kaiba sa pagdaan ng isang kometa. Ang palagay ng iba, dahil ito sa epekto ng pinagsama-samang gravity ng mga planeta sa kalawakan.
Ngunit ang totoo ayon sa astronomy, napakaliit ng epekto ng gravity ng mga ito kahit na pagsama-samahin pa.
Noong 1982, marami ang nabahala dahil sa planetary alignment. Nataot sila dahil sa paniwalang magdudulot ito ng malalakas na lindol, tidal waves at iba pang mga kalamidad.
Isa pang insidente ng paghihilera ng mga planeta ang naitala noong Mayo 5, 2000 kasama pa ang buwan at araw.
Muli, may mga humulang magkakaroon ng kalamidad ngunit tulad ng dati, wala namang nangyaring masama.
Paniwala din ng ila, hindi lang kalamidad ang dala ng planetary alignment kundi maging trahedyang gawa ng tao tulad ng digmaan at karahasan.
Sa kaugnay na usapin, kasabay ng planetary alignment ay masasaksihan din ang pagdaan ng kometang Ikeya-Zhang, binansagang "dragon comet."

Alam N'yo Ba?
Habang isinusulat ng isang tao ang kanyang pangalan, naisip na kaya niya kung bakit ganoon ang apelyido niya? Hindi ba at nakapagtatakang marami ang magkakaapelyido gayong 'di naman sila magkakamag-anak?
Narito ang sagot: bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, gumagamit na ng apelyido ang mga katutubong Pilipino.
Sinusunod nila ang mga apelyido depende sa katayuan nila sa buhay.
Halimbawa nito ay ang mga apelyidong Dimasalang na dinaglat na salitang "Punong Di-Masalang, ibig sabihin ito ang apelyido ng mga matataas at kinatatakutang pinuno noon.
Karaniwan din noong nakukuha ang apelyido mula sa katangian ng isang tao. Halimbawa dito ay ang matangkad, payat, mataba at iba pa.
Karamihan din ng mga apelyido ay magkakatulad dahil sa pangalan ng mga santo tulad ng Santos, Santa Cruz at Reyes.
Sa pagdating ng mga Kastila, iniutos nila ang paglalagay ng apelyido sa pangalan upang maiwasan ang pagkakaroon ng relasyon ng mga magkamag-anak at upang magkaroon ng talaan ang mga katutubo hinggil sa dapat nilang ibayad na buwis.
Naglabas ng dekreto noong Nobyembre 21, 1849 si Gobernador-Heneral Narciso Claveria ng "Catalogo Alfabetico de Apellidos."
Nakatala lahat sa katalogong ito ang mga kinalap na salitang Kastila at Tagalog upang gawing apelyido ng mga Pilipino.
Sa kabila ng impluwensyang dayuhan, may mga salitang ginawang apelyido ang mga Kastila na 'di magandang pakinggan.
Kung mapapansin sa ngayon, makikita sa apelyido kung saang lalawigan nagmula ang isang tao.
Ito ay dahil ipinamahagi ni Claveria ang katalogo at pinapili niya kung anong apelyido ang nais gamitin ng bawat tao.
Tulad na lang sa Baao, Camarines Sur na karamihan ng apelyidong ipinagamit ng mga Kastila ay nag-uumpisa sa letrang "B" gaya ng Bea, Bon, Bien, Badilla at Barrameda.
Nagsisimula naman sa letrang "R" ang apelyido sa bayan ng Oas, Albay tulad ng Ras, Roa, Rabelas, Realubit at Rivera.
Sa Sorsogon, nagsisimula naman sa letrang "E" hanggang "L" ang mga apelyido. Sa probinsya ng Ilocos Norte, partikular sa Lungsod Laoag, karamihan naman ng naninirahan dito ay may apelyidong nagsisimula sa letrang "A."
Nag-uumpisa naman sa letrang "Q" ang apelyido ng mga tao sa probinsya ng Ilocos Sur.
Kapansin-pansin din sa ilang probinsya ang pagkapare-pareho ng unang letra ng kanilang apelyido. Isang paraan ito upang makilala at malaman ang pinagmulang pamilya.

edz- 11-22-2004
Health Tips:

Lagundi
Ang lagundi ay isa sa mga halamang gamot na rekomendado ng Kagawaran ng Kalusugan na mabisang gamot sa iba't-ibang sakit.

"Vitex negundo" ang scientific name nito at tinatawag na five-leaved chaste tree sa wikang ingles dahil sa limang dahon nito sa bawat tangkay.
Ang pinaglagaan ng dahon ng lagundi ay iniinom at mabisa sa may mga kabag, lagnat at mahinang menstruation.
Kung ang isang ina naman ay nagpapadede ng sanggol, nakakatulong ito para magparami ng gatas .
Ang dinikdik na dahon ng lagundi ay mabisang pantapal sa kumikirot na rayuma.
Kung madalas namang maramdaman ang sakit ng ulo, maglagay lang ng dahon nito sa ilalim ng unan.
Ang nilagang bulaklak ng lagundi ay mabisang gamot din sa cholera, may mahihinang puso at sa mga dumuduming may kasamang dugo.
Ang dinikdik na bunga ng lagundi ay mabisa namang ipahid sa mga skin diseases, ketong at namamagang bibig.·
Ang ugat nito ay mabisa ring gamot sa mga tuklaw ng ahas, lagnat at pagpapalabas ng plema.
Mahusay ding gamot sa malaria, sipon, wheezing cough, disinterya at gastro-enteritis ang pinakulaang pulbos ng ugat nito.


--------------------------------------------------------------------------------

edz- 11-23-2004
Firewalkers

Ang apoy ay tunay na napakalakas na elemento na maaaring makasira at makabuo ng mga bagay.

Para sa maraming tao, ang apoy ay isang nakakapasong bagay kaya iniiwasan ang mapalapit dito.

Ngunit sa bayan ng Alfonso, Cavite, isang grupo ang literal na naglalaro at nagsasayaw sa apoy.

Ano ang misteryo at sekreto sa likod ng ritwal na ito?

Sila ang tinaguriang "fire dancers" ng Alfonso, Cavite -- ang grupong Sanghiyang.

Tradisyon na ito sa kanilang bayan at bahagi ng isang ritwal na simbolo ng pagpapasalamat sa Dios para sa mga biyayang natanggap nila.

Hindi ang aktuwal na paglalakad sa baga ang tunay na nakakamangha sa kanila kundi ang kakayahan nilang 'di masugatan o mapaso.

Bago nila simulan ang paglalakad sa baga, mayroon silang muna silang taimtim na dasal.

Pero, bago makapaglakad sa baga ang isa sa kanila, kailangang masubo muna niya ang isang nakasinding kandila upang malaman kung kakayanin niya.

Samantala, hindi hindi unique ang gawain sa mga taga-Alfonso dahil ginagawa na rin ito ng mga sinaunang kultura sa India at Fiji bilang bahagi ng kanilang initiation rites, purification at healing.

Sa Amerika, ilang mga self-help seminars ang nagsasagawa nito bilang pagsubok sa limitasyon ng isang tao.

Ang tanong, paanong hindi sila nasasaktan?

Sabi ng iba, "mind over matter" lang ito. Basta isipin lang ng tao na hindi siya mapapaso o masasaktan, wala nang mararamdaman.

Ayon naman sa mga taga-Alfonso, ang mga kapangyarihang tinatawag nila ang siyang tunay na pumoprotekta sa kanila.

Paliwanag naman ng siyensya, simpleng physics lang ito.

May tatlong paraan sa paglipat ng init o heat transfer: convection, conduction at radiation.

Sa convection, ang heat transfer ay sa pamamagitan lang ng liquid o gas tulad ng tubig at hangin.

Ang radiation naman ay gaya ng init na nararamdaman dahil sa araw o kaya ay kapag nasa harap ng siga.

Sa conduction, nalilipat ang init kapag nagtama ang dalawang bagay, ang pinagmulan ng init at ang pinagpapasahan nito.

Sa madaling salita, ito ang prinsipyong nasa likod ng firewalking.

Para sa mga taga-Alfonso, ang kahoy na ginagamit na uling ay hindi mahusay na heat conductor kaya mainit man ang baga, hindi ito nagtatagal upang makapinsala sa balat.

Maliban doon, ang abo sa ibabaw ay nakakabawas din sa init na tinatanggap ng talampakan.

Hindi rin nagtatagal ang contact ng talampakan sa baga dahil wala ang isang segundo ang ginagawang pagtapak dito.

Ngunit sa kabila ng paliwanag ng siyensya, ang ginagawang paglalakad ng mga taga-Alfonso sa ibabaw ng baga ay hindi basta-basta ginagawa ng kahit sino lang.

Ito ay isang talentong para lang sa mga may matagal ng karanasan at tunay na kapangyarihan laban sa init ng apoy.


edz- 11-23-2004
Steroids

Para sa mga atleta at body builder, karaniwang maririnig ang mga katagang anabolic steroids.

Ngunit ano nga ba ang anabolic steroids?

Ang anabolic steroids ay synthetic substances na kayang palitan ang testosterone o androgen ng lalaki.

Ang androgen ay male hormone na nagmumula sa testes. Mayroon din nito ang mga babae na ginagawa naman sa adrenal glands at ovaries.

Malaki ang gawain ng androgen sa pagde-develop ng muscles.

Noong 1930 nadiskubre ng mga Aleman ang anabolic steroids upang gamutin ang sakit na "hypogonadism" o paghinto ng testes sa pagpo-produce ng testosterone.

Sa kabila ng naunang layunin ng gamot na ito, marami ang sumubok na gamitin ang steroids upang mas lalo pang mapalaki ang kanilang katawan.

Ang paggamit ng anabolic steroids ay mahigpit na ipinagbabawal kung walang reseta ng doktor ngunit marami pa rin ang ilegal na nagbebenta ng mga oral at injectible steroids.

Kapag nasobrahan ang isang atleta o body builder sa pag-iiiniksyon sa katawan, maaari nitong maapektuhan ang internal organs.

Kabilang din sa side effects nito ay ang pagkakaroon ng alta-presyon at komplikasyon sa puso, sakit sa atay na maaaring mauwi sa cancer, stroke sanhi ng blood clots, problema sa sikmura, madalas na pananakit ng ulo, pagsusuka, hindi makatulog, pananakit ng kalamnan, pagkakaroon ng maraming acne at maagang pagkakalbo.

Maaari din itong pagmulan ng pagkabaog.

Kung mag-iiniksyon naman nito sa murang edad, malamang na huminto ang paglaki.

Dahil bawal, walang aamin na nagturok sila ng steroids upang lumaki ang katawan. Maraming atleta na rin ang hindi pinayagang maglaro sa mga international competition dahil napatunayang positibo sila sa steroids.



edz- 11-23-2004
Health Tips:

Bungang-Araw

Tuwing tag-init, iisa lang ang nasa isip ng lahat ng tao -- ang magbakasyon sa isang beach resort o magbabad sa swimming pool.

Ngunit habang ang isang tao ay nagsasaya sa kanyang paglangoy, hindi siya nakakasiguro na ang tubig na nilalanguyan ay malinis.

Dahil sa dami ng tao sa swimming pool, 'di maiiwasang magkaroon dito ng mga mikrobyo na nahahalo sa tubig.

Ito ang pinagmumulan ng viral disease na tinatawag na "swimming pool conjunctivitis" at maaaring mauwi sa sore eyes.

Ayon sa Kagawaran ng Kalusugan, chlorine ang siyang pumapatay ng mikrobyo sa tubig sa swimming pool ngunit hindi lahat ay kaya nitong puksain.

Samantala, nais naman ng iba na sa dagat lumangoy para sa kanilang summer outing ngunit kinakailangan pa ring mag-ingat dito.

Bagamat ang buhanging kinatutuwaang ilagay sa katawan ay resistant sa araw, delikado naman ang alikabok na galing dito.

Maaaring naglalaman ang alikabok nito ng mikrobyong magresulta sa impeksyon ng sugat.

Sa kabila nito, ligtas pa ring maligo sa tubig-alat dahil bihira lang ang mikrobyong nabubuhay dito.

Kung takot pa rin ang isang tao na maligo sa dagat at magbilad sa araw, hindi dapat kalimutan ang maglagay ng skin protection lotion upang 'di magkaroon ng sunburn.

Para sa mga taong may bungang-araw, makabubuti ang paliligo sa dagat dahil ang salinity o alat nito ay nakapagpapatuyo sa bungang-araw.

ckristian- 12-06-2004
ang galing.... tambayan/naughty.gif tambayan/naughty.gif tambayan/naughty.gif hehehe tambayan/mf_laughbounce2.gif tambayan/mf_laughbounce2.gif tambayan/mf_laughbounce2.gif

KAPE- 12-16-2004
basa-basa tambayan/coffee-drinker.gif

edz- 12-18-2004
Panic Disorder

Kung ang isang tao ay madalas kinakabahan, hindi makatulog, laging sumasakit ang ulo at sikmura at nanginginig, natatakot na baka masiraan ka na ng bait at nahihirapan sa paghinga, ang ganitong mga sintomas ay palatandaan ng sakit na kung tawagin ay panic disorder.

Ang lahat ng mga tao ay nakararanas ng panic attack lalo na sa oras ng aksidente o sakuna tulad na lang ng malakas na paglindol noong 1990 at ang pagputok ng bulkang Pinatubo noong sumunod ng taon.

Maging ang pagpa-panic sa nagaganap na krisis sa ekonomiya na nagreresulta sa panic-buying.

Pero hindi dapat mag-alala dahil normal lang ito at pansamantala kung maranasan.

Ngunit kung nagiging madalas ang panic attack, malamang na mauwi ito sa panic disorder na isang psychiatric condition.

Maraming palatandaan upang malaman natin na may panic disorder ang isang tao.

Una, ang pagiging masyadong matarantahin. Ang isang taong may ganitong karamdaman ay agarang nagre-react sa anumang marinig.

Pangalawa ay ang pagiging malungkutin at ayaw ng makipag-usap. Higit na nais ng pasyente ang maging mapag-isa sa loob ng kwarto.

Ayaw din nitong lumabas ng bahay na sintomas naman ng pagkakaroon ng "agoraphobia" o ang pagkatakot sa maraming tao.

Ang mga taong karaniwang nagkakaroon ng panic disorder ay mga traumatized sa iba't ibang dahilan tulad ng pagpanaw ng mahal sa buhay, biktima ng panggagahasa, nakaligtas sa pananambang o sakuna at pagkawala ng mga ari-arian tulad ng mga nawalan ng bahay dahil sa lahar.

Kadalasan din na nagkakaroon sila ng "reverse circadian rythym" o nababago ang pagtulog -- gising sa gabi at tulog naman tuwing araw.

Walang oras kung kailan magkakaroon ng panic attack pero madalas na sa madaling-araw ito nangyayari.

Ang pinakagrabeng sitwasyon na pwedeng mangyari sa pasyente ay ang tinatawag na "rebound phenomenon."

Nangyayari ito kung huminto ng paggagamot at psychiatric treatment ang pasyente.

Sa puntong ito kadalasang nababaliw ang pasyente o di naman kaya ay naiisipan niyang wakasan na lang ang buhay.

Maaari ding pagmulan ng panic attack ang madalas na pag-inom ng kape at alak, madalas na pagpupuyat, sobrang pagod, at pagkalipas ng gutom.





Forumer™ is Voted #1 Free Forum Hosting provider
Build your own community today with the largest message board hosting company.